“NAKATAGONG KAYAMANAN SA HAMOG AT BUNDOK NA REGALO NG KALIKASAN”
Naranasan mo na bang maramdaman ang halik ng klima ng Baguio? O masilayan ang mga mabeberdeng bundok doon na may itinatagong kultura at kasaysayan na kanilang kayaman? Kung hindi pa, damdamin mo muna ang aking mga karanasan patungkol dito.
Nobyembre 8,2019 nang una kong madama ang malamig na klima ng Baguio. Ang tinaguriang “Summer Capital” ng Pilipinas na makikita sa Cordillera at kilala rin ito bilang punong lungsod ng Baguio. Nakita ko rin sa kinaroroonan naming Inn ang unti-unting pag-abot ng araw sa kulay asul na kalangitan, tila gusto nitong halikan. Sa tatlong araw naming pananatili doon dahil sa isang debate tournament na aming sinalihan, una kong natuklasan at nasaksihan ang kasaysayan nito dahil sa paglektura sa amin ng isang propesor sa UP. Kaniyang isinalaysay na ito’y itinatag ng mga amerikano sa taong 1900 upang maging bakasyonan tuwing panahon ng tag-init dahil may mataas itong elevation na kung saan ay habang tumataas ang elevation sa isang lugar,numinipis ang mga sangkap ng gas nito kaya lumalamig ang temperature. Ngunit bago pa man daw maapakan ng mga amerikano ang Baguio, may unang pangalan na ito, ang ‘Kafagway’. Ngunit sa paglipas ng panahon, tinawag na raw itong Baguio na hango sa isang halaman na kung tawagin ay ‘Bigyiw’
Sa huling araw naming doon, kami’y nagtagal sa ipinagmamalaki nilang Mines View Park. Marami ang dayo noon doon upang makita nila at masaksihan ang mga bundok na umaakit sa mga mata ng karamihan dahil tila isa itong diyamante sa tuwing hinahaplusan ito ng araw at pati narin ang nagkakapalang hamog na humahaplos sa matayog na bundok na kapwa sumisimbulo sa Baguio. Kung sa iba’y magagandang tanawin lamang ang makikita sa Mines View Park, nakita ko naman doon ang hanapbuhay ng karamihan gaya ng pagbebenta ng gulay at prutas tulad ng repolyo, pechay, ubas, strawberry at iba pa dahil kilala ang Baguio sa pagkakaroon ng preskong mga gulay at prutas na isa sa mga dahilan ng pagbisita ng mga turista sa lugar na ito. Kanilang itinitinda ang mga ito sa mga tourist spot gaya ng Mines View Park at Burnham Park dahil mas madami silang naibebenta rito. Paggawa rin ng mga muwebles na yari sa matitibay na puno ng Baguio ang isa ring hanapbuhay nila pati na ang paggawa ng mga bag at pitaka na gawa sa inabel na kanila ring ibinebenta sa mga turista. Ang iba pa nga’y may matatanda rin na nakasuotvng tradisyunal na kasuotan ng mga taga-Baguio na kung saan ay puwedeng makipag-picture sa kanila sa halagang ₱50.00. Ayon sa kanila, ito’y hanapbuhay nila hindi upang makakita ng pera kundi upang ipreserba ang kanilang kultura at tradiyon na kanilang minana pa sa kanilang ninuno bago pa man tayo sakupin ng mga Espanyol at Amerikano.
Siyempre sa tuwing bumibisita tayo sa mga lugar na ngayon pa natin napuntahan, hinahanap ng ating tiyan ang ipinagmamalaki nilang pagkain na kakaiba gaya sa Rizal kung saan ay ipinagmamalaki nila ang kanilang Adobong Uok, Abuos naman sa Ilocos at Adobong Kamaru naman sa Pampanga. Aking nasaksihan naman at natikman ang ipinagmamalaki ng Baguio na Sinigang na Stwaberry na yayakap sa lalamunan ng lahat ang asim na nangagaling sa sabaw nito na may piyas at strawberry. Ang pangunahing sangkap sa pagkain na ito ay puwedeng isda at karne ng baboy. Hindi rin papahuli sa mata ng karamihan ang pinakasikat na prutas ng Baguio na kanilang ipinagmamalaki dahil dito lamang makikita at sa ibang bansa, ang strawberry. Ginagamit din nila ang strawberry upang sila’y makabuo ng panibagong produkto ng Baguio gaya ng Strawberry Jam na kanilang ginagawa na noon bago pa man bago tayo sakupin ng mga Amerikano, ito’y kanilang ginagawang palaman sa pandesal at biskwit. Peanut Brittle rin ang isa sa kanilang ipinagmamalaking produkto nila sa mga turista dahil umuukit sa lalamunan ng mga tao ang kakaibang lasa ng dinurog na mani nito. Di pa man tayo sinasakop ng mga Amerikano at Espanyol, ito’y naging kanilang pampatamis sa mapait na karanasan nila sa mundo.
Ang importante sa lahat na aking nakitang sumisimbulo sa Baguio ay ang nagsisilbing pundayson nito, ang kanilang kultura na napansin kong kanilang iniingatan. Isa na rito ang paniniwala nila sa kulam at paggawa ng mga halamang gamot na pinaniniwalaan ng karamihan at isa na ako roon dahil bumili ako ng kuwintas o birthstone. Sinabi sa akin ng matandang pinagblihan ko ay nagbibigay suwerte raw ito at pinapataboy nito ang mga masasamang espiritu. May nakita rin akong miyembro ng mga etnikong grupo. Ang iba sa kanila ay tinatawag na ‘Ibaloi’. Ayon sa mga sabi-sabi, ang layunin daw ng mga ito ay ipreserba ang kanilang kultura gaya ng pagdamit nila ng tradisyunal na kasuotan gaya ng kambal (blusa) at ang a-ten o di-vet (tapis o palda) na paraehong gawa sa inabel. Ang pag-uukit nila sa mga kahoy na hugis ari ng mga lalaki na kanilang pinaniniwalaan na ito raw ay simbulo ng pagiging malakas at pagbibigay supling sa mga nais magkaroon ng anak. Ang pagprepreserba rin daw sa pagsasaka at pagtatanim ng mga gulay at prutas ay siyang pundasyon ng kanilang kultura.
Sa lahat ng lugar na aking napuntahan gaya ng Ilocos Sur, Pampanga, Davao at iba pa, itinuturing ko ang Baguio na aking pinakapaboritong lugar sa buong mundo. Hindi dahil sa tanawin na sumisilay sa harap ng mga bundok o ang nagkakapalang hamog na humahalik sa mga ito kundi ang kayamanan na nakatago sa mga bunok at hamog sa lugar na ito na aking nasaksihan. Kayamanang regalo ng kalikasan sa mga tao na kailangang ingatan at protektahan upang hindi manakaw ng iba. Ngunit nakakalungkot lamang isipin na hindi na dinidiskubre ng karamihan ang totoong kayaman ng lugar na ito.
Ang lahat ng mga ito hindi lang ang kultura ang nagsisilbing pundasyon ng Baguio kundi pati rin ang mga taong nagpapahalaga sa lugar at kayaman na nakatago sa nagkakapalang hamog at bundok na regalo ng kalikasan sa lugar na ito.



No comments:
Post a Comment